Wednesday, 13 December 2006
The "Kartilya"
KATIPUNAN
NANG MANGA
A. N. B.
--------()-------
SA MAY NASANG MAKISANIB
SA KATIPUNANG ITO
Sa pagkakailangan, na ang lahat na nagiibig pumasuk sa katipunang ito, ay magkaroon ng lubos na pananalig at kaisipan sa mga layong tinutungo at mga kaaralang pinaiiral, minarapat na ipakilala sa kanila ang mga bagay na ito, at ng bukas makalawa’y huag silang magsisi at tuparing maluag sa kalooban ang kanilang mga tutungkulin.
Ang kabagayang pinaguusig ng katipunang ito ay lubos na dakila at mahalaga; papagisahin ang loob at kaisipan ng lahat ng tagalog (*) sa pamamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakabubulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katuiran at Kaliwanagan.
(*) Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisaya man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.
Dito’y isa sa mga kaunaunahang utos, ang tunay na pag-ibig sa bayang tinubuan at lubos na pagdadamayan ng isa’t isa.
Maralita, mayaman, mangmang, marunong, lahat dito’y magkakapantay at tunay na magkakapatid.
Kapagkarakang mapusok dito ang sino man, tataligdan pilit ang buhalhal na kaugalian, at paiilalim sa kapangyarihan ng mga banal na utos ng katipunan.
Ang gawang lahat, na laban sa kamahalan at kalinisan, dito’y kinasusuklaman; kaya’t sa bagay na ito ipinaiilalim sa masigasig na pakikibalita ang kabuhayan ng sino mang nagiibig makisanib sa katipunang ito.
Kung ang hangad ng papasuk dito’y ang tumalastas lamang o mga kalihiman nito, o ang ikagiginhawa ng sariling katawan, o ang kilalanin ang mga naririto’t ng maipagbili sa isang dakot na salapi, huag magpatuloy, sapagkat dito’y bantain lamang ay talastas na ng makapal na nakikiramdam sa kaniya, at karakarakang nilalapatan ng mabisang gamut, na laan sa mga sukaban.
Dito’y gawa ang hinahanap at gawa ang tinitignan; kaya’t hindi dapat pumasuk ang di makagagawa, kahit magaling magsalita.
Ipinauunawa din, ang mga katungkulang ginaganap ng lahat ng napaaanak sa katipunang ito ay lubhang mabibigat lalung lalu na, kung gugunitain na di magyayaring maiiwasan at walang kusang pagkukulang na di aabutin ng kakilakilabot na kaparusahan.
Kung ang hangad ng papasuk dito, ang siya’y abuluyan o ang ginhawa’t malayaw na katahimikan ng katawan, huag magpatuloy, sapagkat mabigat na mga katungkulan ang matatagpuan, gaya ng pagtatangkilik sa mga naaapi at madaluhong na paguusig sa lahat ng kasamaan; sa bagay na ito ay aabuting ang maligalig na pamumuhay.
Di kaila sa kangino paman ang mga nagbalang kapahamakan sa mga tagalog na nakaiisip nitong mga banal na kabagayan (at hindi man), at mga pahirap na ibinibigay na nagharing kalupitan, kalikuan at kasamaan.
Talastas din naman ng lahat ang pagkakailangan ng salapi, na sa ngayo’y isa sa mga unang lakas na maaasahang magbibigay buhay sa lahat; sa bagay na ito, kinakailangan ang lubos na pagtupad sa mga pagbabayaran; piso sa pagpasok at sa buan buan ay sikapat. Ang salaping ito’y ipinagbibigay alam ng nagiingat sa tuing kapanahunan, bukod pa sa mapagsisiyasat ng sinoman kailan ma’t ibigin. Di makikilos ang salaping ito, kundi pagkayarin ng karamihan.
Ang lahat ng ipinagsaysay at dapat gunitain at mahinahong pagbulaybulayin, sapagkat di magaganap at di matitiis ng walang tunay na pagibig sa tinubuang lupa, at tunay na adhikang ipagtangkilik ang Kagalingan.
At ng lalong mapagtimbang ng sariling isip at kabaitan, basahin ang sumusunod na
MGA ARAL NANG
KATIPUNAN NG MGA A.N.B
----------
Ang kabuhayang hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy na walang lilim, kundi damong makamandag.
Ang gawang magaling na nagbubuhat sa pagpipita sa sarili, at hindi sa talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.
Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang gawa, ang pagibig sa kapua at ang isukat ang bawat kilos, gawa’t pangungusap sa talagang Katuiran.
Maitim man at maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao’y magkakapantay; mangyayaring ang isa’y higtan sa dunong, sa yaman, sa ganda…; ngunit di mahihigtan sa pagkatao.
Ang may mataas na kalooban inuuna ang puri sa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.
Sa taong may hiya, salita’y panunumpa.
Huag mong sasayangin ang panahun; ang yamang nawala’y magyayaring magbalik; nguni’t panahong nagdaan na’y di na muli pang magdadaan.
Ipagtanggol mo ang inaapi, at kabakahin ang umaapi.
Ang taong matalino’y ang may pagiingat sa bawat sasabihin, at matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.
Sa daang matinik ng kabuhayan, lalaki ay siyang patnugot ng asawa’t mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, ang patutunguhan ng iaakay ay kasamaan din.
Ang babai ay huag mong tignang isang bagay na libangan lamang, kundi isang katuang at karamay sa mga kahirapan nitong kabuhayan; gamitan mo ng buong pagpipitagan ang kaniyang kahinaan, at alalahanin ang inang pinagbuhata’t nagiwi sa iyong kasangulan.
Ang di mo ibig na gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huag mong gagawin sa asawa, anak, at kapatid ng iba.
Ang kamahalan ng tao’y wala sa pagkahari, wala sa tangus ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing KAHILILI NG DIOS, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa; wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi ang sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri; yaong di napaaapi’t di nakikiapi; yaong marunong magdamdam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.
Paglaganap ng mga aral na ito at maningning na sumikat ang araw ng mahal na Kalayaan dito sa kaabaabang Sangkalupuan, at sabugan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkalahi’t magkakapatid ng ligaya ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagud, at mga tiniis na kahirapa’y labis nang natumbasan.
Kung lahat ng ito’y mataruk na ng nagiibig pumasuk at inaakala niyang matutupad ang mga tutungkulin, maitatala ang kaniyang ninanasa sa kasunod nito.
SA HKAN. NG _____________________________________________
AKO’Y SI_____________________________________________
TAONG TUBO SA BAYANG NG______________________________
HUKUMAN NG _________________________ANG KATANDAAN KO
AY___________TAON, ANG HANAP BUHAY_____________________
ANG KALAGAYAN____________________________AT NANANAHAN
SA ________________________DAAN NG____________________
Sa aking pagkabatid ng boong kagalingan ng mga nililayon at ng mga aral, na inilalathala ng KATIPUNAN ng mga A.N.B. ninais ng loob ko ang makisanib dito. Sa bagay na ito’y aking ipinamamanhik ng boong pitagan, na marapating tangapin at mapakibilang na isa sa mga anak ng katipunan: at tuloy nangangakong tutupad at paiilalim sa mga aral at Kautusang sinusunod dito.
______________________ika ____________ng buan ng _________________
____________________ng taong 189__.
Nakabayad na ng ukol sa pagpasok.
ANG TAGA INGAT NG YAMAN.
[Sources. The first two paragraphs and the asterisked footnote have been transcribed from the photograph of the front page of a printed “Kartilya” in Adrian E. Cristobal, The Tragedy of the Revolution (Makati City: Studio 5 Publishing Inc., 1997) p.46; the remainder of the text has been copied from the version in José P. Santos, Buhay at mga sinulat ni Emilio Jacinto (Manila: José Paez Santos, 1935), pp.59-63. Different translations into English of the main text (i.e. the text apart from the application form at the end) may be found in Epifanio de los Santos, “Emilio Jacinto”, Philippine Review, III:6 (June 1918), pp.421-2 (translation by Gregorio Nieva) and in Teodoro A. Agoncillo, The Revolt of the Masses: the story of Bonifacio and the Katipunan (Quezon City: University of the Philippines Press, 1956), pp.83-6.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment